MANA SA LUPA, SINOLO NG GANID NA MAGKAKAPATID

March 4, 2021 @12:30 AM
Views:
25
Dear Sir Johnny, sana sa pamamagitan ng sulat na ito ay matulungan ninyo ako sa aking problema.
Halos 16 yrs na ang lumipas at dahil mayaman at mapera at maimpluwensya ang mga kapatid ko, ganito po ang nangyari sa akin.
Alam ninyo, Sir Johnny, halos 25 years na ako na nag-o-Overseas Filipino Worker (OFW) sa kagustuhan kong makatulong sa pamilya ko.
Mahirap kasi noon ang buhay namin dahil isang mangingisda lang noong nabubuhay pa ang aming ama.
Habang ang aming nanay ay nasa bahay lang at dahil sa masipag ang aming tatay, napagtapos niya kaming 12 magkakapatid ng pag-aaral at noong nag-OFW na ako ay ako rin ang isa sa tumulong sa iba pa naming mga nakababatang kapatid dahil naaawa na ako sa aming ama.
Noong nasa abroad ako, nakatanggap ako ng telegram mula sa aking mga kapatid at ibinalita nila na namatay na ang aming ama at halos isang buwan bago ako pinayagan ng aking employer na makauwi.
Noong makauwi na ako, naabutan ko pa ang libing ng aming ama at matapos nito, lingid sa aking kaalaman ay may mga naibenta na raw ang mga kapatid sa lupang naiwan ng aming ama.
Napag-alaman ko noong ako ay bumalik na sa Hong Kong ay tinawagan umano ako ng isa rin sa mga kapatid ko na nasa Sweden.
Ang sabi niya sa akin kung puwede na magpa-alam uli ako sa aking amo para makauwi muli sa Pinas dahil mayroon daw gustong umupa sa ancestral house namin.
Kaya, Sir Johnny, dali-dali akong nagpaalam muli sa aking bagong amo na makauwi sa Pilipinas dahil may emergency akong aasikushin at pinayagan naman ako ng aking amo.
Noong nakauwi na ako sa Pinas, doon ko na unti-unting nalaman na naibenta na pala ng mga kapatid ko ang iba pang mga lupain namin sa sobrang murang halaga at butaw-butaw o hulog-hulugan sa isang corporation sa land development.
Nagulat ako sa pangyayari at halos maubos na ang lupain na mamanahin naming mga magkakapatid.
Napag-alaman ko rin na naisalin na pala sa pangalan ng kapatid kong nasa Sweden ang ancestral house namin at ang mas nakagigimbal na pangyayari, nalaman ko na ang isa sa aking pinsan ang nagkaroon ng share para lamang makumpleto ang mga pirma ng magkakapatid para maibenta ang iba pang aming mga lupain.
Ang masakit rito, Sir Johnny, ‘yung aking pinsan ay binigyan nila ng share samantalang ako ni lupa sa paso ay wala silang ibinigay na share sa akin.
Bagkus pati ‘yung sarili kong bahay na nakatirik sa gilid ng aming ancestral house ay ipinagiba ng aking mga ganid na kapatid sa pangunguna ng kanilang Pinapanginoon na kapatid ko rin na nasa Sweden.
ITUTULOY
MAYORA UMAKSYON NAMAN KAYO
Sa Mandaluyong City, may ibubulong ako kay Mayor Menchie Abalos (pero sana ay huwag niyang ipagsasabi na ako ang nag-tip sa kanya).
Patuloy ang operation ng bookies ng lotteng nitong si BEN TANDA sa kabila ng pananalasa ng COVID-19 sa kanyang nasasakupan.
Ang usap-usapan kasi sa Mandaluyong, bata raw ni mayora si Ben Tanda kaya hindi niya ipinahuhuli ito.
Bata nga ba ni mayora si Mang Ben, hindi nga????
oOo
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764,09266719269 o i-email sa [email protected] o [email protected]
MGA KRITIKO SUPALPAL KAY BONG GO SA ISYU NG BAKUNA

March 4, 2021 @12:20 AM
Views:
28
NAKARAMDAM tayo ng pag-asa sa pagkakaroon ng bakunang Sinovac kontra COVID-19 na dumating sa bansa ilang araw lang ang nakararaan.
Ayon sa programa ng pamahalaan sa pagbabakuna, kailangang unahin ang lahat ng mga medical personnel o frontliner na laging nakasuong sa panganib ng virus.
Sa kabila nito, hindi pa rin tumitigil ang mga kritiko sa mga patutsada at pagbibigay ng maling impormasyon ukol sa bakuna na taliwas sa pinag-aralan ng mga eksperto at siyentipiko.
Kaya naman hinikayat na lang ni Senador Bong Go ang lahat ng mga detractor na makiisa at makipagtulungan na lang sa pamahalaan imbes na magsisihan sa gitna ng krisis.
Dagdag pa niya, may karapatan naman ang bawat mamamayan na bumatikos sa gobyerno huwag lamang magpakalat ng maling impormasyon para sa pulitikang interes dahil walang mabuting idudulot ito para sa lahat.
Sang-ayon tayo dear readers sa mga sinambit ng mabuting senador.
Kaya para kay Kuya Bong Go, ipinararating natin ang pasasalamat sa kanyang tunay at wagas na pagmamalasakit. Salamat Kuya at saludo kami sa’yo.
Hindi man naging perpekto ang lahat, pero sa halos isang taon nating pakikibaka sa gitna ng pandemya, napatunayan natin na mas marami pa rin ang nakakaunawa at nakikiisa hanggang ngayon sa pagtugon sa mga panuntunan ng pamahalaan laban sa salot.
Kaya para sa mga kritiko at sa mga kababayan nating naguguluhan ang isip sa isyu ng bakuna, iiwanan natin ang mga katanungang ito.
Alin ang mas mahalaga, ang maniwala sa mga haka-haka o maniwala sa mga siyentipiko at siyensya?
Alin ang inyong pipiliin, ang bakunang naririyan na o ang sakit na kumakalat pa?
Sigurado bang pagmamalasakit at hindi pulitika ang dahilan kaya sandamukal ang mga pagtutol?
Ngayon pa ba natin susukuan ang halos isang taong pagsasakripisyo mairaos lamang ang bawat araw na wala tayong COVID-19?
Ngayon pa ba tayo magkakawatak-watak ngayong narito na sa bansa ang dati’y ipinapanalangin nating bakuna laban sa sakit?
Malapit na po ang mahal na araw, kinakailangan nang paghandaan ang pagninilay-nilay.
∞∞∞
Romans 16:17 “I appeal to you, brothers to watch out for those who cause divisions and create obstacles contrary to the doctrine that you have been taught, avoid them.”
∞∞∞
Para sa inyong mga komento, suhestyon, sumbong o tanong kung papaano maging isang safety officer, mag-text sa +639455238284 o mag-email sa [email protected]
ANG MGA NAGLALARONG HOLIDAY

March 4, 2021 @12:10 AM
Views:
24
KUNG tinipon sana ng Pangulo ang pinakamatatalino niyang tagapayo at umisip sila ng estratehiya upang maiahon ang ekonomiya ng bansa mula sa pagkakasadlak sa kawalan, hindi man lang sana papasok sa isip ko na gagawin nilang prayoridad ang pagkansela sa ilang holidays ngayong taon upang pasiglahin ang ating ekonomiya.
Isang linggo na ang nakalipas nang sa bisa ng proklamasyon ng Pangulo ay itinakda ang Nobyembre 2, Araw ng mga Kaluluwa; Disyembre 24, bisperas ng Pasko; at Disyembre 31, bisperas ng Bagong Taon bilang special working days.
At parang naririnig ko pa hanggang ngayon ang paghihimutok ng marami dahil dito.
Kung magsasagawa ngayon ng isang public satisfaction survey, walang Presidente ang makakukuha ng dagdag na puntos sa pagkansela sa tatlong okasyong ito na tradisyunal nang ipinagdiriwang natin—kahit pa si Ginoong Duterte.
Maraming Filipino ang subsob sa pagtatrabaho buong taon, nababalewala na ang ilang mahahalagang okasyong pampamilya, maging ang sarili nilang kaarawan, para lamang mailaan ang makabuluhang panahon na kasama nila ang kanilang mga mahal sa buhay tuwing Pasko, Bagong Taon, at Undas.
Nagsisiuwian sa kani-kanilang probinsiya ang mga manggagawang taga-Metro Manila, ilang oras na nagtitiis sa pakikipagsiksikan sa loob ng mga punuang bus at barko makatupad lang sa taunan at sagradong tradisyon na ito.
Kung ang layunin nito ay pagtrabahuhin sila sa mga nabanggit na araw para makatulong sa pagbuhay sa ekonomiya, tiyak na pipiliin na lang nilang maghain ng vacation leave.
Gayundin naman, ang mga magtatrabaho sa mga araw na iyon ay mawawalan ng pinakaaabangan nilang “holiday pay” dahil sa nabanggit na proklamasyon.
Sobrang nakadidismaya ito para sa mga trabahador nating sina Juan at Juana.
Sinabi ni Vice President Leni Robredo na maraming paraan upang paalagwain ang ekonomiya nang hindi isinasakripisyo ang mga holiday na ito.
At tama siya.
“Una, kung ang bakasyon ay mas mahaba, may pagkakataon ang mga manggagawa na magsiuwi para makapiling ang kanilang pamilya – at sa tingin ko, mas malaki ang maitutulong nito sa ekonomiya,” ani Robredo.
Mistulang hindi nauunawaan ng administrasyong Duterte ang punto ng mga holiday kung epekto sa ekonomiya ang pag-uusapan.
Gumagastos nang malaki ang mga Filipino sa mga holiday na tulad nito sa larangan ng pagbibiyahe, paggastos sa perang inipon nila para sa mga minamahal nilang mga kamag-anak at kaibigan sa probinsiya, at pamimili ng mga pasalubong para sa pagluwas nila pabalik sa kalunsuran.
Sila ang mga manggagawang sobrang magtipid sa araw-araw nilang gastusin para gumastos nang malaki pagsapit ng holidays.
Hindi ba mistulang pinapatay ng proklamasyong ito ang tinatawag nating “holiday economics”?
Ang unang sektor na makikinabang sa mga holiday na ito ay ang industriya ng turismo.
Sana ay naipaliwanag ng masipag na si DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa Pangulo ang kalakasan ng industriyang humakot ng P2.2 trilyon bago ang pandemya at kung paanong malaki sana ang magiging pakinabang ng turismo at paglalakbay sa mga holiday na ito kung nabigyan ang mga manggagawang Filipino ng pagkakataong makapiling sa bakasyon ang kanilang mga pamilya.
Mayroong mga hindi kaaya-ayang komento at posts laban kay Duterte tungkol sa hindi niya pagpapakita sa publiko sa loob ng ilang araw na ayaw ko na lang banggitin.
Subalit madaling maunawaan ang pinaghuhugutan ng pagkadismaya ng mga netizen na ito, na napagkaitan ng kanilang pinakahihintay na holidays sa gitna ng parusa at nakauumay nang pandemya.
Sana ay naging mas sensitibo ang Malacañang sa dumaraming miyembro ng puwersa ng paggawa na kinakailangang labanan ang mga problemang pangkaisipan na idinulot ng krisis pangkalusugan.
At ang ipagkait ang tatlo sa pinakamahahalaga nilang holidays ay maaaring sagad-sagaran na para sa kanila.
Sana ay magbago pa ng isip ang ating Pangulo tungkol sa bagay na ito, gaya ng madalas naman niyang gawin.
Sakaling kumambiyo nga siya sa pagkakataong ito, walang sisisi sa kanya sa pagpapanumbalik niya sa kasiyahan ng magpapamilya tuwing bisperas ng Pasko at Bagong Taon at kahit pa sa panahon ng Undas.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
AYAW MAGPABAKUNA? LAGOT SA ISRAEL, INDIA AT VATICAN CITY! SA PINAS KAYA?

March 3, 2021 @12:40 AM
Views:
93
AYAW mo ba talagang magpabakuna laban sa coronavirus disease o COVID-19 nang walang dahilan o katanggap-tanggap na dahilan?
Kung ganito ka, tingnan natin ang nagaganap sa ilang bansa.
SA VATICAN CITY
Naiulat na natin ang istriktong patakaran ukol sa pagpapabakuna sa nasasakupan ng Vatican City na pinamumunuan ni Pope Francis.
Noong una, literal na inihayag ni Vatican City Governor Cardinal Giuseppe Bertello na masisibak sa trabaho ang hindi magpapabakuna batay sa batas na pinalabas noong 2011 ukol sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Ayon sa batas na ito, sapilitan ang pagpapabakuna, laban sa COVID-19 sa panahong ito at masisibak ang isang empleyado na ayaw magpabakuna nang walang medikal na dahilan.
Paliwanag mismo ni Pope Francis, katumbas ng suicide ang hindi pagpapabakuna.
Magkagayunman, makaraang kwestiyunin ito ng iba, ipinaliwanag ng opisina ni Bertello na kagagaling lang din sa tama ng COVID-19 na meron talagang posisyon o trabahong sapilitan ang pagpapabakuna.
Kasama rito ang paninilbihan sa publiko, kinakailangan ang pakikisalamuha sa iba at posibleng mahawaan ang iba.
Dahil nirerespeto ang kalayaan sa hindi pagpapabakuna, maaaring mahanapan ang obrero ng ibang trabaho o posisyon na hindi kinakailangan ang hindi pakikisalamuha masyado sa iba bagama’t may posibilidad ng demosyon o pagbaba ng posisyon ngunit walang kabawasan sa sahod.
Tinanggal ang parusang sibakan sa trabaho pero naririyan naman ang katulad ng demosyon.
Ngunit nananatili ang sapilitang pagpapabakuna para sa proteksyon ng lahat at mismong si Pope Francis ay nagpabakuna rin.
SA PUNJAB, INDIA
Mga health worker naman ang inuunang gustong bakunahan ng pamahalaang lokal ng Punjab sa India para maging malusog ang mga ito at maging malakas na pwersa ng pamahalaan laban sa pandemya.
Pangalawa ang India sa United States na may pinakamaraming biktima ng pandemya sa bilang na 11,124,527, kabilang na ang 157,275 patay.
Sa kabila ng pagbaba ng nahahawaan dahil sa milyon-milyon nang nababakunahan sa nasabing bansa, may biktima ang Punjab na halos 400 araw-araw at nakaipon na ito ng halos 6,000 nang patay o kulang-kulang sa kabuuang patay sa mahal kong Pinas na mahigit nang 12,000.
Ayon sa pamahalaang Odisha kung tawagin, nasa 85 porsyento na umano ng health workers ang nagpabakuna at ang mga ayaw magpabakuna ay tatanggalan ng mga pribilehiyo.
Kabilang sa mga pribilehiyo ang libreng pagpapagamot kapag tinamaan sila, pagturing na naka-duty sila kahit naka-quarantine leave, pinansyal na tulong at tulong kung sila’y namatay.
SA ISRAEL
Ang bansang Israel ang pinakamabilis na magbakuna at mahigit kalahati na ng siyam milyong mamamayan nito ang nabakunahan ng kahit papaano’y isang dose.
Kaya naman, pinag-uusapan na ang pagbubukas ng ekonomiya nito o kalayaan ng mga mamamayan na pumunta kung saan nila gusto, kahit sa abroad, magtrabaho, magnegosyo, maghappy-happy at mag-aral nang mga walang lockdown o restriction na kagaya ng pinaiiral sa Pinas na mga community quarantine.
Habang nagtatagal, aba, lumiliit ang nagpapabakuna at may umaayaw mabakunahan kaya naman mula sa katamtamang 200,000 kada araw, bumabagsak na ang bilang ng nagpapabakuna sa mahigit 100,000 na lamang.
Heto ngayon ang mga naiisip ng mga awtoridad.
Hindi papasukin sa mga gym, restoran, sports activity at iba pa ang mga walang bakuna.
May remedyo naman umano gaya ng pagpapa-test para magkaroon ng certificate ng kawalan ng virus ang isang tao.
Subalit, bago sila makapasok sa nasabing mga lugar, kailangan nilang magpa-test at ang resultang negatibo sa nakalipas na 72 oras ang ipiprisinta nila.
Ang mga guro naman, kailangan nilang magpa-test kada 48 oras para tuloy-tuloy silang makapagturo.
Medyo mahirap umano ang pagpilit sa mga tao na magpabakuna sa pamamagitan ng batas dahil nga sa garantiya sa kalayaan.
Ngunit paiiralin nila ang mga patakarang ito para mapilit ang lahat o higit na nakararami na magpabakuna.
Ang Israel ang isa sa mga bansang pinaniniwalaang bumili ng mga bakuna kahit mahal upang mabakunahan ang lahat ng mamamayan nito, lalo’t nalalapit na ang halalan at ang tagumpay ng pagbabakuna ang isang pambili ng boto ng mga Israelita na nakaupo sa gobyerno.
BRAND NG BAKUNA
Sa Israel at Vatican City, pangunahing Pfizer/BioNTech ang gamit na bakuna at ipinamamahagi pa nga ng Israel sa ibang bansa ang bakunang Moderna na nabili nito bilang pagpapatatag ng pandayuhang relasyon nila.
Sa India, gamit nila ang sariling mga bakuna na Covishield o AstraZeneca mismo at Covaxin din lalo’t ang bansang ito ang pinakamalaking gumagawa ng bakuna sa buong mundo.
Lumalabas na kahit anong bakuna ang gamit, kahit pa sinasabing magaganda, marami talaga ang ayaw magpabakuna o takot na magpabakuna.
At dahil sa pag-ayaw at takot sa bakuna ng milyon-milyong mamamayan ng mga bansang ito, malaki lagi ang posibilidad na magpatuloy ang pandemya at kahit kailan hindi sila makalalaya rito.
Sakit sa ulo ng mga pamahalaan ang mga ayaw magpabakuna dahil idinadamay nila ang iba na nagpapabakuna sa pag-asang lalaya na sila, maging ang kanilang mga bansa, sa krisis na dulot ng pandemya.
Sa atin sa Pinas, mga Bro, naghahalo ang balat sa tinalupan sa pag-ayaw ng iba na magpabakuna sa available ngayon na bakuna, ang Sinovac na gawang China.
Pero maaaring marami rin ang aatras mismo sa darating na AstraZeneca gaya ng pag-atras ng mga mamamayan sa walong bansa sa Europa, South Africa at mismong mga health worker sa India na gamitin ito dahil umano sa kawalan o 10 porsyento lang na epekto nito sa South African variant at Brazil variant, bukod pa sa bawal pa ito sa mga matatanda na may edad 65 pataas.
May 10 bansa na umano sa European Union at United Kingdom ang pinasok ng South African variant.
Ayon sa mga pag-aaral, paborito ng mga variant na ito na atakehin ang baga ng tao at lumikha ng mga pag-ubo, pagbahing at pagtalsik ng mga laway na mabilis na magpakalat ng COVID-19.
Ang masakit pa, napasok na rin tayo ng South African variant.
Tatlo ang may taglay nito sa mga mamamayan na hindi pa sinasabi kung saan matatagpuan, dalawang kauuwing overseas Filipino worker at isang pinag-aaralan pa.
MAGPABAKUNA NA, WALANG ATRASAN
Walang sinoman ang naghahangad na magpatuloy ang krisis sa ating bansa dahil higit na nakararami ang hirap na hirap nang itawid ang kanilang buhay sa gutom at kahirapan.
Maging ang pamahalaan, hirap na rin kaya naman ginagawa nito ang lahat ng paraan na magkaroon ng bakuna sa anomang paraan.
Heto nga’t hindi na nito hinintay ang padala ng Covax Facility sa pamumuno ng World Health Organization at direktang nakipag-ugnayan na sa bansang China para sa suplay ng bakuna.
Napospon nang napospon ang mga bakunang Pfizer at AstraZeneca na nais ipadala ng WHO dahil kinokopo ang mga ito ng mayayamang bansa.
Reklamo mismo ng United Nations din, 10 bansa lang ang may hawak ng 75% ng suplay hanggang sa nasa 15-20% na lang ang nabibili o nakukuha ng WHO na ipamamahagi, lalo na sa 92 bansang mahihirap na kinabibilangan natin.
Ang totoo, pasado sa pamantayan ng WHO ang Sinovac na available ngayon sa pagkakaroon ng bisa na 91% sa Turkey, 65% sa Indonesia at katapat ng AstraZeneca sa bisa at 50.4% sa Brazil.
Ayon mismo sa WHO, basta nakaabot ang bakuna na 50% pataas, oks nang gamitin at katumbas na ito ng flue vaccine na 50% lang ang bisa ngunit nasasagip na sa kamatayan ang milyon-milyong tinatamaan ng trangkaso.
Isa pa, hindi pupwedeng maliitin ito sa dahilang ginagamit na ito sa iba’t ibang bansa hindi lang sa Turkey, Indonesia at Brazil kundi mismo sa Singapore, Malaysia, Thailand, maraming bansa sa Latin America at Europa.
Ang kung mga eksperto ang tatanungin kung ligtas at mabisa nga talaga ang Sinovac, tanungin na lang sa Food and Drugs Administration, Department of Health, National Immunization Technical Advisory Group at daan-daan nang doktor, nurse at iba pang medical professional na nabakunahan na nito sa nagdaang dalawang araw.
Ayon naman mismo kay Dr. Gap Legaspi, kauna-unahang naturukan ng Sinovac, “There is no such best vaccine dahil ang pinaka-best vaccine ay ‘yung effective at efficient na dumarating nang mas maaga.”
Sinabi naman ni Dr. John Victor De Gracia, deputy chief ng clinical service sa Pasay City General Hospital, “The best vaccine is the available vaccine.”
Para sa iba na naghihintay ng ibang brand, mismo si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsasabi na okey lang at heto nga, sasalubungin din niya, gaya ng ginawa niya sa Sinovac, ang susunod na darating na bakuna na maaaring AstraZeneca.
O magpalista na nang mabakunahan at walang atrasan kapag nalista na tayo!
SILIPIN NATIN ANG MGA LENDING INSTITUTION NA SOBRANG MANGGIPIT

March 3, 2021 @12:25 AM
Views:
71
Dear Mr. Magalona, humingi ako ng tulong sa inyo, na sana’y mabigyan ninyo ng puwang sa inyong kolum ang aking problema tungkol sa naisanla naming tatlong lupain dito sa Parañaque City sa isang financial institution.
Naisanla namin ang tatlong titulo ng aming lupain dahil sa nagkasakit ang aking mister na halos tatlong taon siyang bedridden kaya napagpasyahan naming mag-asawa na isanla ang tatlong titulo ng lupa namin sa halagang P3.5M sa isang financing institution.
Pero ang masakit rito, kalaunan ay namatay rin ang aking mister hanggang sa hindi na namin natubos ang pagkakasanla sa tatlong properties namin na kung saan ay buwan-buwan na pinatutubuan sa pinagprendahan naming financier.
Ang gusto ko lang malaman, sir, legal ba ang ginagawang panggigipit ng mga ganitong institusyon sa kagaya namin, na lalong nababaon sa utang dahil sa buwan-buwang tubo na ‘di na namin kayang tubusin ang aming isinanla?
Kawawa naman ang mga kagaya ko sa mga ganitong institusyon na pilit kaming ginigipit.
Inaangkin na ng mga lending institution ang mga nakaprendang ari-arian sa kanila lalo na’t maganda ang location ng aming properties, gaya ng mga nasa subdivision sa Parañaque at Las Piñas.
Umaasa ako, Mr. Magalona, na mabibigyan ninyo ng pansin ang aking reklamo para naman malantad ang ginagawang panggigipit ng mga ito sa mga katulad kong biktima ng kanilang modus.
Maraming salamat sa’yo, Mr. Magalona…