WPS oil exploration pinapapaspasan ni PBBM

WPS oil exploration pinapapaspasan ni PBBM

December 1, 2022 @ 3:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nagpahayag ng kahandaan si Pangulong  Ferdinand R. Marcos Jr.  na makatuwang ang Tsina para sa posibleng  joint oil exploration sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isang panayam, binanggit ni Pangulong Marcos ang ideya ng “exploring other ways to ensure the immediate development of oil and gas resources in the contested waters.”

“We’ll have to find a way kasi kailangan na natin eh . We already need, kung mahanap dyan kailangan na talaga ng Pilipinas,” anito sa sidelines ng Kadiwa ng Pasko Caravan.

“‘Yung China maliit na bagay sa kanila ‘yun eh. Sa atin malaking bagay ‘yan. So, kailangan natin ipaglaban at mapakinabangan kung meron ngang oil talaga,” dagdag na pahayag nito.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtugon sa  “roadblock” sa joint exploration talks.

Kinilala kasi ng Pangulo ang constitutional problems na dahilan ng pagkakaantala sa posibleng joint exploration sa pagitan ng Pilipinas at China.

“Kasi kini-claim ng China kanila ‘yun, eh atin naman talaga iyan. So, sinasabi ng Pilipinas, basta’t ‘yung batas kailangan masundan ‘yung sa Pinas. Ang sinasabi naman ng Chinese, hindi, amin iyan eh, kaya’t kailangan masundan is Chinese. Kaya ‘yun talaga ang roadblock doon,” litaniya ng Punong Ehekutibo.

Noong Nobyembre 2018, nilagdaan ng dalawang bansa ang isang memorandum of understanding (MOU) sa joint oil at gas development sa WPS.

Ang mga opisyal ng Pilipinas at China ay nasa proseso pa rin ng pagbubuod ng mga posibleng detalye ng anumang joint exploration venture. Kris Jose