X-ray machines, scanners inalis BONG GO: NAIA LUMUWAG SA TERORISTA

X-ray machines, scanners inalis BONG GO: NAIA LUMUWAG SA TERORISTA

January 15, 2023 @ 3:10 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa mga awtoridad na dagdagan ang police visibility, aviation security at palakasin ang intelligence capabilities sa Ninoy Aquino International Airport kasunod ng ginawang pag-aalis sa mga x-ray machine at scanner sa mga pasukan sa paliparan.

Sinabi ni Go sinusuportahan niya ang desisyon na gawing mas maginhawa ang paglalakbay sa ating bansa pero mas mabuting may sapat na pag-iingat pa rin sa mga paliparan.

Kaya naman nanawagan ang senador sa mga awtoridad na ipatupad pa rin ang mga kinakailangang protocol sa seguridad bilang kapalit ng mga x-ray scanner sa mga departure area.

Aniya, dapat i-maximize ang mga pulis sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang visibility at pagpapahusay sa intelligence capabilities para maprotektahan ang ating mga mamamayan habang pinahahalagahan ang kanilang kaginhawahan sa pagbiyahe.

Sa pampublikong pagdinig hinggil sa NAIA air traffic system glitch incident ng Senate committee on public services, sinabi ni Go na bagama’t mahalaga ang kaginhawahan sa pagbiyahe, hindi dapat makompromiso sa pag-aalis ng mga scanner ang kaligtasan ng mga pasahero lalo’y may nakaraang insidente ng terorismo na nangyari.

“I have received reports that x-ray machines and scanners at the airport departure entrances were recently removed to accommodate the concerns of passengers to have faster and more convenient travel. Mas lumuwag po ang ating security para mapabilis ang mga proseso sa loob ng airport, “sabi ni Go.

“Kaya lang po, napansin ko, tinanggal po yung first layer. Ang tanong diyan, this is an issue of security and convenience. Don’t compromise, do not risk the safety of our passengers. This may be terrorism waiting to happen,” idiniin ni Go.

Binanggit ang pambobomba sa Davao City noong 2003, sinabi ng senador na ang mas maluwag na seguridad ay maaaring maglantad sa NAIA sa mga ganitong panganib.

“Nangyari po yan sa Davao bombing noong 2003, ayaw natin magsisihan pagkatapos na mayroon na pong nangyari,” babala ni Go.

Bagama’t gusto natin aniya ng kaginhawahan, hindi dapat kalimutan ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga tao.

“Hindi po ba makokompromiso ang kaligtasan ng mga pasahero dahil dito? Paano made-detect ang pagpasok ng kontrabando o bomba sa airport kung wala na po yung mga x-ray sa first layer?” dagdag ni Go.

Hinimok ng senador ang mga awtoridad sa paliparan na pagbutihin ang police visibility at aviation security para sa kaligtasan ng mga pasahero sa gitna ng pagtanggal ng mga entrance scanner.

“Kaya naman hinihimok ko ang NAIA, dapat magkaroon ng increase police visibility ang aviation security po ng PNP para masiguro na walang threat sa kaligtasan ng ating mga pasahero,” sabi ni Go.

“Napapansin ko kasi, diretso na kasi nakakapasok ‘yung mga pasahero without check, ginagaya na po ‘yung sa ibang bansa,” dagdag niya.

“‘Yun lang po yung napansin ko sa NAIA 2 and NAIA 3… na sa tingin ko, delikado. Kung kaya na ba nating ma-detect itong mga bagahe, ‘yung may masasamang plano?” tanong ni Go. RNT