XBB variant ng COVID posibleng nasa Pinas na – health expert

XBB variant ng COVID posibleng nasa Pinas na – health expert

October 16, 2022 @ 12:33 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Posibleng nakapasok na sa bansa ang COVID-19 Omicron subvariant na XBB dahil sa maluwag na restriksyon sa mga biyahero sa bansa.

Ito ang sinabi ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante sa panayam ng DZBB na maaaring dahilan ng mahigit 2,000 kaso ng COVID-19 na naitatala araw-araw.

“Hindi natin ma-rule out ‘yan kasi unang-una, ang mga tine-test natin ngayon for sequencing, hindi na ganoon karami ang mga samples. Pangalawa, we have an open border. We have daily flights with Singapore,” ani Solante.

“There’s a possibility that this variant can also be present here, but we don’t know. We don’t know yet kasi hindi pa naman nakikita doon sa Philippine Genome Center,” dagdag pa.

Ayon naman sa Department of Health, hindi pa naitatala sa bansa ang XBB—a recombinant of BJ.1 (BA.2.10.1 sublineage) at BM.1.1.1 (BA.2.75 sublineage).

Sa pag-aaral, mas nakakahawa ang XBB sublineage at isa sa mga mahigpit na binabantayan ng World Health Organization.

Matatandaan noong Oktubre 11, inanunsyo ng Singapore na nakararanas sila ng pagtaas sa mga lokal na kaso ng COVID-19 dahil sa XBB subvariant. RNT/JGC