Xian, natupad ang pangarap sa mga comic idol!

Xian, natupad ang pangarap sa mga comic idol!

January 24, 2023 @ 2:26 PM 2 weeks ago


Manila, Philippines – Noong wala pa sa showbiz si Xian Lim ay pangarap talaga niyang maging isang basketball player.

Pero tila ay may iba raw plano ang tadhana sa kanya dahil sa local Tinseltown siya napadpad.

Gayunpaman, wala raw siyang regrets dahil naging tama naman ang kanyang desisyon na pasukin ang pag-aartista.

Sa pag-arte, napanday din ang kanyang sining bilang actor at patuloy na kinakikiligan ang tambalan nila ng real life girlfriend na si Kim Chiu.

Katunayan, nanalo na rin siya ng award noon bilang best supporting actor para sa pelikulang “Ëverything About Her” sa 2016 PMPC Star Awards for Movies.

Napansin din ng mga kritiko ang kanyang galing sa kanyang out-of-the box character sa thriller na “Untrue”.

Noon namang 2019, pinatunayan niya ang kakayahan bilang direktor sa Cinemalaya movie na “Tabon” na para sa kanya ay isang very personal film.

Sa taong ito, ibang challenge naman sa kanya ang dala ng pinakabago niyang obra na “Hello Universe” na isinulat niya at idinirek.

Paliwanag niya, isinulat daw niya ang magical fantasy for a wider audience.

Naging inspirasyon din daw niya sa paggawa ng pelikula ang buhay niya, ang kanyang pamilya at ang mga taong nakasalamuha niya while growing up.

Sa pelikulang “Hello Universe,” natutuwa rin siya dahil natupad ang pangarap niya na maidirehe ang comic idols niya na sina Janno Gibbs, Anjo Yllana at Benjie Paras.

Aniya, pinapanood daw niya ang mga ito sa mga pelikula at sitcoms noon kaya idolo niya ang mga ito sa pagpapatawa.

Marami rin daw siyang natutunan sa mga ito pagdating sa comic timing.

Kaya naman, binigyan daw niya ng freedom ang mga ito kung paano bibigyan ng atake ang kanilang mga papel.

Ang “Hello Universe” ay isang magical fantasy tungkol sa kuwento ng isang lalakeng nahaharap sa midlife crisis na nabigyan ng pagkakataong i-rewrite ang kanyang buhay.

Palabas na sa mga sinehan simula sa Enero 25, kasama rin sa cast sina Maui Taylor, Sunshine Guimary, Gene Padilla, Joe Vargas at marami pang iba. Archie Liao