YEAR OF THE PROTECTED AREAS, INILUNSAD NG DENR, DILG AT DOT

YEAR OF THE PROTECTED AREAS, INILUNSAD NG DENR, DILG AT DOT

May 27, 2022 @ 7:11 PM 4 weeks ago


LUMAGDA sa isang Joint Declaration ang mga kalihim ng Department of Environment and Natural Resources, Department of the Interior and Local Government, at  Department of Tourism para suportahan ang selebrasyon ng YoPA o ang “Year of the Protected Areas”.

 

Isinagawa ang paglagda nitong May 24, 2022 nina DENR acting secretary Jim Sampulna, DILG secretary Eduardo Año at DOT secretary Bernadette Romulo-Puyat kaugnay sa 90th anniversary ng pagkakaroon ng national park sa bansa.

 

Isinasaad sa deklarasyon na pangungunahan ng Biodiversity Management Bureau ng DENR at Biodiversity Finance Initiative ng United Nations Development Program ang kampanya na may pagtulong buhat sa DILG at DOT.

 

Magtutulong-tulong ang mga ahensya para sa promosyon at proteksyon ng protected areas sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System sa Pambansa at lokal na bahagi.

 

Ang YoPA ay bahagi ng mas malawakang selebrasyon ng International Day of Biological Diversity 2022.

 

Ayon sa CBD, ang Pilipinas ay sa 18 mega-diverse countries sa buong mundo kung saan 2/3 ng Earth’s biodiversity, 70% ng mga halaman, at 80% ng mga hayop ay makikita sa ating arkepelago.

 

Ikalima ang ating bansa sa pinakamaraming plant species at at mayroon tayong 5% ng mga bulaklak. At mayroong 53,00 species ang tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan o endemic.

 

Pero ang nakalulungkot, may 700 species ay nasa “extinction level” na o malapit ng mawala, 93% ng ating original forest cover ang nasira na matapos ang digmaan, at 53% ng ating coral reefs ang “in poor condition”.

 

Sa kasalukuyan ay mayroong 246 protected areas sa ilalim ng NIPAS Act kung saan 112 ang ipinasa ng Kongreso, 13 ang idineklara ng Pangulo ng bansa, at 121 ang initial component ng system.  

 

Ang Mount Arayat ang siyang first national park sa bansa na itinatag noong June 27, 1933 alinsunod sa Republic Act No. 3915 o ang pagtatalaga ng mga national parks noong 1932.

 

Sa temang “Protected Areas for a Protected Future”, maliban sa konserbasyon, hangad din na ma-engganyo ang mga Pilipino na bisitahin ang mga national parks.

 

Kaugnay sa pagdiriwang ngayong taon, may anim na tampok na national parks, ang

ü  Bongsanlay Natural Park sa Masbate;

ü  Apo Reef Natural Park sa Occidental Mindoro;

ü  Samar Island Natural Park sa mga lalawigan ng Samar, Eastern Samar at Northern Samar;

ü  Balinsasayao Twin Lakes Natural Park sa Negros Oriental;

ü  Mt. Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary sa Davao Oriental; at ang

ü  Mts. Timpoong Hibok-Hibok Natural Monument sa Camiguin

 

Bahagi rin ng pagdiriwang ang paglalabas ng isang Presidential Proclamation na nagdedeklara sa taong 2022 bilang “National Year of the Protected Area”, at paggunita sa bawat buwan ng Hunyo bilang “Month of the Protected Areas”.

 

Hinihintay na lamang ang paglagda dito ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.