YOGI RUIZ, MABUAY SA BOC?

YOGI RUIZ, MABUAY SA BOC?

December 22, 2022 @ 1:20 PM 1 month ago


USAP-USAPAN sa pantalan kung kailan makukuha ni Bureau of Customs commissioner Yogi Felimon Ruiz ang buong titulo ng posisyon sa Aduana.

Natalaga si Ruiz bilang acting chief ng BoC noong Hulyo 25 subalit hanggang ngayon ay mailap pa rin at tila hindi pa mabanaag ang kanyang inaabangang titulo na commissioner.

Anoman ang dahilan ng appointing authority na si Pangulong Bongbong Marcos, wala tayong alam, pero in fairness – ginagawa ni Ruiz ang trabaho bilang tagapangasiwa ng BoC.

Nguni’t habang nakabinbin pa ang full-status ng kanyang appointment, tiyak na tuloy-tuloy ang pangamba ni Ruiz dahil sa walang kasiguruhan sa kanyang posisyon sa kasalukuyan.

Sa dami ng gustong maging kumisyoner ng isa sa pinakakorap na ahensya ng pamahalaan, sa totoo lang – ‘di nakakasiguro si Ruiz na magtagal siya sa puwesto.

Si Ruiz ay beteranong trabahador ng gobyerno na nagsimula sa Philippine Drugs Enforcement Agency bago napunta sa BoC bilang magaling, subok, maasahan at pinagkakatiwalaan na tagapamahala.

Kumbaga, batid ni Ruiz ang “ins and outs” sa aduana kaya bentahe niya ito sa iba pang aspirants na ang maipagmamalaking kuwalipikasyon lang ay malapit at malakas sila sa appointing power.

Limang taon bilang director ng enforcement and security service, tiyak na alam na alam ni Ruiz ang mga problema’t sigalot sa mga pantalan na dahilan kaya tinawag na pinakatiwaling ahensya ng pamahalaan.

Dumaan ang maraming kumisyoner pero walang nabago bagkus lalong tumindi ang drug shipment, smuggling ng iba’t ibang produkto at iba pang katiwalian.

Ang korapsyon ay problema sa ahensyang ito dahil naging kalakaran na ito nang matagal na panahon pero may pag-asa pang tumino – lamang, tama ang matatalagang mangangasiwa rito na nakikita kay Ruiz.