Zamboanga silat sa Pagadian sa VisMin Cup

Zamboanga silat sa Pagadian sa VisMin Cup

July 13, 2021 @ 3:23 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Naisalpak ni Rich Guinitaran ang krusyal na opensa para maipanalo ng Pagadian Explorer ang laban kontra sa JPS Zamboanga, 82-68, sa 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao leg sa Provincial Gymnasium ng Ipil, Zamboanga Sibugay.

Natapyas pa ng Zamboanga sa tatlong puntos ang 13 points na kalamangan ng Pagadian mula sa three-pointer ni Jaypee Belencion habang may 3:54 pang nalalabi sa final period.

Pero hindi tumiklop ang Explorers at agad na sumagot sa pangunguna ni Guinitaran na kumamada ng walong sunod na puntos kasama ang putback mula sa mintis ng kasanggang si Mark Benitez para hilahin muli ang bentahe sa doube-digit may 1:51 sa laro.

“What do you expect? Si Rich isa sa mga main man ko yan. Rich is a very versatile player and anytime pwede pumutok sa labas yan,” ani Explorers head coach Harold Sta. Cruz, patungkol sa kanyang pambatong player na produkto ng Centro Escolar University.

Hataw si Guinitaran sa itinarak na 26 puntos mula sa 8-of-10 shooting clip, kabilang ang 5-of-6 sa three-point bukod pa sa limang rebounds at limang assists tungo sa ikalawang sunod na panalo ng Explorers. Nag-ambag si Keanu Caballero ng 10 puntos, pitong rebounds at pitong assists.

Nanguna sa pre-tournament favorite Zamboanga (1-1) sina Gabby Espinas at Jerwin Gaco na tumipa ng 14 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Hindi nakalaro sa Zamboanga ang pambatong playmaker na si Fran Yu bunsod ng ‘stiff neck’, habang nagtamo nang pamamaga sa kanang tuhod si Gino Jumao-as matapos ang banggaan sa pakikipag-agawan sa bola may 1:57 ang nakalilipas sa first period. Hindi na ito nakabalik sa aksiyon.

Target ng Pagadian na makausad sa 3-0 sa pakikipagtuos sa powerhouse Basilan sa Huwebes ganap na 4:00 ng hapon, habang sunod na makakalaro sa Sabado ang MisOr ganap na 2:00 ng hapon.

ISKOR:

Pagadian (82) – Guinitaran 26, Caballero 10, Benitez 8, Dechos 8, Serrano 7, Saludsod 5, Pamaran 5, Demigaya 4, Acaylar 4, Singedas 2, Villaver 2, Manalo 1, Bolotaolo 0, Quimado 0, Bautista 0.

Zamboanga City (68) – Espinas 14, Gaco 11, Belencion 9, Cardona 8, Lingganay 7, Salim 5, Matias 5, Jeruta 3, Neypes 2, Waminal 0, Ferrer 0.

Quarterscores: 20-16, 43-37, 61-54, 82-68. Rico Navarro