Zamora walang nakikitang rason sa pagbuwag sa MMDA

Zamora walang nakikitang rason sa pagbuwag sa MMDA

March 15, 2023 @ 3:23 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Walang nakikitang rason si Metro Manila Council President at San Juan Mayor Francis Zamora upang alisin o i-abolish ang Metro Manila Development Authority (MMDA).

Ang pahayag ni Zamora sa kanyang pagdalo sa Kapihan sa Manila Bay ay sa gitna ng mga panawagan na mas mainam na buwagin na lamang ang MMDA dahil sa umano’y ginagawang clearing operation partikular sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Zamora na itinalaga rin bilang bagong chairman ng Regional Peace and Order Council of Metro Manila, siya ay pro-MMDA at nakita niya ang kahalagahan nito sa Metro Manila.

Dagdag pa, wala rin siyang narinig sa iba pang mga Metro Manila mayors na pabor ang mga itong buwagin ang naturang ahensya.

“As far as I know, I have not seen any information of any mayor who wants to abolish MMDA.”

Aniya, tama lang na may isang governing body na tumitingin sa kabuuan ng Metro Manila dahil hindi aniya ito kakayanin ng 17 local government units kung sila-sila lamang ang titingin.

Binanggit ni Zamora na malaki ang naitutulong ng MMDA lalo noong panahon ng pandemya, lockdown sa mga lungsod, pag-regulate ng public transportation na kapag wala ang presenysa ng MMDA ay mahihirapan ang mga LGUs.

“It is a matter of communication kung may problema, proper na koordinasyon, walang dahilan para magka-isyu,” pahayag pa ni Zamora sakaling may mga isyu at problema sa pagitan ng MMDA at LGU tulad nang nangyaring girian sa pagitan ng MMDA at ilang district congressman sa Maynila kamakailan. Jocelyn Tabangcura-Domenden