ZCMC: Halos 10 kada-buwan sa Zamboanga sapul ng HIV

ZCMC: Halos 10 kada-buwan sa Zamboanga sapul ng HIV

December 15, 2022 @ 8:06 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi bababa sa 10 katao bawat buwan ang nagpositibo sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa Zamboanga City Medical Center (ZCMC) Treatment Hub na pag-aari ng gobyerno para sa mga pasyenteng HIV, ayon kay Dr. Sebar Sala, ang ZCMC Treatment Hub officer-in-charge.

Noong nakaraan, sinabi niyang “tatagal ng buwan bago malaman ang resulta” dahil kailangan nilang ipadala ang specimen para sa pagsusuri sa Sexually Transmitted Diseases – Acquired Immunodeficiency Syndrome (STD-AIDS) Cooperative Center Laboratory sa San Lazaro Hospital.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Sala na sinusuri nila ang lima hanggang walong hinihinalang pasyente ng HIV araw-araw sa ZCMC hub.

“We have the lowest number of cases in terms of positivity rate because we do not reach one patient per day,” ani Sala.

Hindi naman niya nasabi kung ang mga pasyente na nasa ilalim ng pangangalaga ng hub ay mula sa lungsod na ito o mga kalapit na lugar.

“Ang HIV ay hindi isang parusang kamatayan, napakahalaga na magpasuri sa lalong madaling panahon dahil kapag na-diagnose natin ang mga ito, maiiwasan ang pag-unlad ng HIV,” apela naman niya.

Ang HIV ay isang virus na umaatake sa immune system ng katawan at kung hindi ginagamot ay maaaring humantong sa AIDS.

Ang paggamot sa HIV ay makukuha sa ZCMC Treatment Hub kung saan ang HIV-positive ay maaaring maka-avail ng mga antiretroviral na gamot nang libre. RNT