Zelensky sa Russia: CEASEFIRE!

Zelensky sa Russia: CEASEFIRE!

February 25, 2022 @ 2:57 PM 4 months ago


KYIV – Nananawagan na ang Pangulo ng Ukraine na si Volodymyr Zelensky sa Russia para sa isang ceasefire o tigil-putukan.

Gamit ang salitang Ruso at Ukrainian sa paghahayag ng mensahe sa mga sarili nitong kababayan at sa Russia, sinabi ni Zelensky na dapat tumigil na ang Russia sa paglusob nito para na rin makaiwas ito ng higit na pinsala.

Sinabi ito ni Zelensky na magpapatuloy na lumaban ang kanyang bansa hangga’t hindi tumigil ang Russia sa pag-atake nito.

Kaugnay nito, lumiliyab na ang giyera mismo sa loob ng Kyiv na roon matatagpuan ang pamahalaang Ukraine at headquarters ng military nito.

Isa umanong eroplano ng Russia ang nag-crash o napabagsak ng Ukrainian military sa mga kabahayan habang sunod-sunod naman ang mga missile na bumabagsak sa lungsod mula sa mga pwersa military ng Russia.

Todo reklamo naman si Zelensky sa kawalan ng ayuda mula sa mga kaalyado nito na United States, United Kingdom, European Union at North Atlantic Treaty Organization.

Inakusahan niya ang mga ito na nanonood lang sa nangyayari mula sa malalayong lugar.

Ito’y sa kabila ng pangako ng mga ito na dedepensahan nila ang bawat pulgada na sakop ng NATO na maaaring pasukin ng mga pwersa ng Russia.

Hindi naman miyembro ng EU at NATO ang Ukraine kaya hindi makapaghatid ng tulong, lalo na ng sundalo at nasabing mga bansa at organisasyon.

Hanggang sa pagparalisa lamang sa ekonomiya ng Russia ang nagagawa ng mga nasabing kaalyado ng Ukraine ngunit sinasabi ng huli na hindi sapat ito. RNT