Zero budget sa PCOO, “Huwag naman po” – Roque

Zero budget sa PCOO, “Huwag naman po” – Roque

August 8, 2018 @ 7:39 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Umapela si Presidential Spokesperson Harry Roque sa kagustuhan ng isang mambabatas na bigyan ng zero budget ang Presidential Communication Opeartions Office (PCOO) kahapon (August 7).

Sinabi ni Tom Villarin, opposition lawmaker, na gusto niyang ‘wag bigyan ng budget sa susunod na taon ang PCOO bilang reaksyon sa kontrobersyal na video ni Palace Communications Assistant Secretary Mocha Uson.

“Huwag naman po because PCOO is functioning also. It is providing an indispensable role. Kinakailangan po natin ang mensahe ng presidente makarating sa taumbayan at iyan po ang mandato ng PCOO,” sabi ni Presidential spokesperson Harry Roque sa forum sa  Quezon City.

“Ako po ay tagapagsalita lamang ng pangulo, pero ang mekanismo para makarating ang mga mensahe ay through the PCOO.”

Umani ng pambabatikos ang video ni Uson kasama ang blogger na si Drew Olivar sa isang episode ng “Good News Game Show” kung saan sinayaw ni Olivar ang cheer na “Ipepe, ipepe. Idede, idede. Ipede, pede, pede, pederalismo!”

Dahil dito, isinulong ng mga mambabatas na i-review ang hinihinging budget ng PCOO na P1.41 billion para sa 2019, P100 milyon na mas mataas kaysa sa budget ngayong taon.

Nauna rito, sinabi ni Roque na “very cool” ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos niyang makita ang viral video.

“He wasn’t laughing. He was, as I said, ‘cool’. It was freedom of expression. He is a staunch advocate of freedom of expression kaya nga mahilig magmura,” paliwang ni Roque sa Palace press briefing.

“To him, it was not really a big thing… He would want a more rational approach to the dissemination. He found it unconventional to get the people’s interest in federalism.” Remate News Team