Zero budget sa PCOO, itinutulak ng ilang mambabatas

Zero budget sa PCOO, itinutulak ng ilang mambabatas

August 6, 2018 @ 5:26 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Nais ni Akbayan Rep. Tom Villarin na tanggalan na ng pondo ang Presidential Communication Operations Office (PCOO) dahil sa kontrobersiyal na pederalismo video ni Asst. Secretary Mocha Uson na nagpapakita ng ‘kalaswaan’.

Ani Villarin malinaw naman na naaksaya lamang ang buwis ng taumbayan sa mga ginagawa ni Uson kaya mas mainam na tanggalan na lamang ng budget at ilipat sa mas makabuluhang proyekto.

“A presidential office is not a comedy bar. A defective product cannot be sold by an equally defective seller” pahayag ni Villarin.

Hindi umano ito ang unang pagkakataon na nagkamali at nagmukhang tanga ang PCOO, noon pa man ay palpak na ito sa mga spelling lamang at grammar na nagpapakita na maling mali ang pagkakatalaga sa mga opisyal sa tanggapan.

“If this is where our taxes go, perhaps it’s time to remove budget and use it for what our people truly need” dagdag pa ni Villarin.

Tinawag naman ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat na ‘malaswa, mababaw at binabastos’ ang opisina ng Malacañang sa ‘malaswang’ video ni Uson, aniya, isang mahalagang usapin ang pederalismo ngunit maging ito ay nagawang babuyin ang pagpapaliwanag sa publiko.

Sinabi naman ni Caloocan Rep. Edgar Erice ang ginawa ni Uson ay patunay lamang na maging opisyal ng Malacañang ay walang alam sa pederalismo kaya maging “cheap gimmicky” ay ginagawa.

Dahil sa ginawa umano ni Uson ay masasabing patay na ang isinusulong na ChaCha ng Duterte Administration. (Gail Mendoza)