ZERO CRIMES NA SA POGO

ZERO CRIMES NA SA POGO

October 7, 2022 @ 4:30 PM 2 months ago


 WALA nang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO-related crimes mula sa huling pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong September 15.

Ito ang iginiit ng Philippine National Police  sa isinagawang joint hearing ng nasabing komite at Committee on Ways and Means noong nakaraang Lunes.

Sopla na naman dito ang ilang grupo at personalidad na anti-POGO na nagsasabi na ang industriya ay pinagmumulan ng social ills at nagpapalala ng kriminalidad sa bansa.

Nang manghingi ng updates si Sen. Bato Dela Rosa mula sa mga opisyal ng PNP, sinabi ni National Capital Region Police Office  acting Regional Director PBGen. Jonnel Estomo na mas pinaigting pa nila ang police visibility at mula sa huling imbestigasyon ng Senado noong nakaraang buwan ay wala nang naitalang krimen kaugnay sa POGO sa National Capital Region at Regions 3 and 4.

Tanong ni Senador Bato: “Meron bang nangyaring kidnapping pa? Meron bang nangyaring patayan (na) POGO-related?” “Magmula nang nag-hearing tayo, up to today, walang insidente ng kidnapping sa Metro Manila,” ang naging sagot ni Gen. Estomo sa dating PNP chief.

Nag-report din sina Region 3 ARD PBGen Cesar Pasiwen at Region IV-A ARD PBGen Jose Melencio Nartatez Jr. na parehong naghayag sa mga senador na wala nang insidente ng mga krimen na kinasasangkutan ng POGO sa Central Luzon at CALABARZON.

Dahil dito, naibulalas tuloy ni Estomo sa hearing na mistulang may nananabotahe lang sa PNP o sine-scenario lang ang pambansang pulis sapagkat  aniya’y ang sinasabing mga krimen ng mga anti-POGO ay nangyari noong July pa at hindi naman nitong kamakailan lang.

Nanindigan ang NCRPO chief sa harap ng mga miyembro ng Senado na buong PNP na kayang solusyunan ang anumang krimen hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa buong bansa at nang tanungin siya ni Sen. Sherwin Gatchalian kung dapat pa bang ituloy ang POGO, kanyang sinabi na mas gusto niyang magpatuloy ang POGO dahil nakatutulong ito sa bansa at maraming Pilipino ang nabibigyan ng trabaho.

Sa bandang huli’y nagsabi si Estomo na ipagpapatuloy ng PNP ang mga ginagawa nito upang tuluyan nang maiwasan ang POGO-related crimes.

“’Pag may mangyari, gagawin namin ang tungkilin namin para mahuli namin ang mga gumagawa n’yan. Ganu’n lang kasimple, sir,” aniya.

Berigud.