Zubiri: CA minority, iba sa Senado; Cayetano ‘di kinilala ni Risa

Zubiri: CA minority, iba sa Senado; Cayetano ‘di kinilala ni Risa

August 25, 2022 @ 7:51 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kahit hindi kinikilala ni Senador Risa Hontiveros na lider ng minority bloc si Senador Alan Peter Cayetano, matinding ipinagtanggol ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang pagkakahalal sa huli bilang minorya ng Commission on Appointments (CA).

Sa press conference, sinabi ni Zubiri na magkaiba ang minorya ng Senado sa minorya sa CA kahit mahigpit itong tinututulan ni Hontiveros.

“The CA is an independent constitutional body. Hindi po ‘yan Kongreso, Senado. ‘Yan po ay independent constitutional body made up of members of the Senate and the House of Representatives. Now, iba ‘yung composition ng minority. ‘Yan din ang explanation ko kay Risa. Sabi ko ‘yung minority ng CA is different from the minority both of the House and of the Senate. Ibang composition yan,” ayon kay Zubiri, na siyang CA chairperson, sa interview.

“So it is not necessarily true that if you are a member of the minority in the Senate, you are automatically the minority leader of the CA. It is the members of the minority of the CA that will decide on who will lead the CA minority contingent,” dagdag niya.

Sa pagbubukas ng 19th Congress, binigyan ng isang upuan ang Senate minority bloc na kinabibilangan nina Hontiveros at Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, sa makapangyarihang bicameral commission.

Nahalal si Hontiveros bilang miyembro ng CA kasama ang 11 iba pang senador at si Cayetano na kinilala ang kanyang sarili bilang “independent” bloc sa Senado.

Sa pagbubukuas ng 19th Congress nitong Hulyo, hindi bomoto si Cayetano kasama si Senador Pia Cayetano kay Zubiri bilang Senate president.

Kahit tradisyunal na magiging miyembro ng minorya ang sinumang hindi bomoto pabor sa nanalong Senate president pero kapwa ideneklara ng magkapatid na Cayetano na miyembro sila ng “independent minority bloc” sa Senado.

Ipinaliwanag ni Zubiri na sinumang hindi bomoto sa Senate president, awtomatikong miyembro ng minorya.

“So in the declaration of the members of the CA…I spoke and put on record that he is actually an independent member of the Senate,” aniya.

Ayon kay Zubiri, nagsagawa ng caucus ang Senado upang matukoy kung sino ang ihahalal na minority leader ng CA na kapwa gustong makopo nina Cayetano at Hontiveros.

Iminungkahi ni Cayetano na pagbotohan ang isyu pero tinanggihan ni Zubiri dahil hindi maaaring makialam sa majority sa isyu ng minorya.

“I said, we, the majority cannot vote for you guys because we are not within the realm of your responsibility to choose who are the members of the minority, that is not how it is. ‘Yung mga miyembro ng minority ang pipili kung sino ang magli-lead sa kanila,” aniya.

“It so happens that the two members of the minority in the House, Congressman Johnny Pimentel and Congressman Chippy Padiernos, chose Alan Cayetano to lead the minority bloc in the CA. So wala na po kaming magagawa d’yan. That’s not my responsibility. That’s not on my watch. I have no say [on that],” giit pa ni Zubiri.

Samantala, iginiit naman ni Hontiveros na hindi nito puwedeng kilalanin si Cayetano bilang minority leader ng CA dahil masyadong malabnaw ang membership nito sa Senate minority bloc.

“Hindi ako nag-object sa kanilang nominasyon dahil malinaw na sa akin ‘yung outcome ng proseso but I made several, very clear manifestations. Hindi ko rin ginulo ‘yung proseso, pati hanggang sa kanilang panunumpa. But dahil napakamali nung pinagsimulan at ito ang naging bunga, in conscience, I cannot work under him as the minority leader of the CA,” aniya.

Ayon kay Hontiveros, hindi nito ikinababahala ang isang partikular na indibiduwal pero igiit niyang itinakda ng Rules ng Senado at CA para sundin ng miyembro at doon sila gagampan sa partikular na papel.

Sinabi ni Hontiveros na hindi kuwapikado si Cayetano na maging miyembro ng minorya ng Senado dahil nabigo itong lumahok sa botohan ng minority bloc.

“Kaya nga nandun ‘yung rules eh—’yung rules ng Senate, rules din ng CA, para aming sundin, para malinaw ang accountabilities namin sa mamamayan, given ‘yung particular roles na inaassume namin in every Congress, so kami ni Sen. Koko, malinaw ang responsibilidad namin bilang minority, and that included serving as the CA minority leader coming from the Senate. So, yun, gaya ng binanggit ko sa manifestation ko, it was really, most of all, concern for the Senate and the CA following our rules, as we should,” aniya.

“Ang dapat nahalal na minority leader ng CA ay galing sa minority ng Senate, na dapat ang basehan ng pag-determine namin sino ang minority bilang Senado as supported by the Supreme Court ay institutional na considerations, nothing lower or less, at hindi pwedeng paiba-iba kami ng titulo depende sa kung ano ‘yung layunin namin in particular situations, shifting from independent to majority to minority, and in the end, nakaka-undermine sa demokrasya at nakakabura sa lines of accountability namin sa mamamayan. It also undermines the existence of a genuine minority voice,” giit niya. Ernie Reyes