Zubiri kay Padilla: Oras, pondo ng Senado sayang sa Charter Change

Zubiri kay Padilla: Oras, pondo ng Senado sayang sa Charter Change

March 12, 2023 @ 2:53 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Lantarang ipinabatid ni Senate President Juan Miguel “MIgz” Zubiri kay Senador Robin Padilla na masasayang lamang ang oras, enerhiya at pondo ng Senado sa pagtalakay ng charter change dahil walang makuhang boto sa miyembro nito.

Sa pahayag, sinab ni Zubiri na pawang “magsasayang ng maraming enerhiya at pondo” kapag isinalang sa debate ang charter change na pilit isinusulong ni Padilla kahit walang makuhang suporta sa kasamahan.

Naunang umugong sa Senado ang pagpapalit ng liderato upang palitan si Zubiri dahil sa mababang output na resulta ng hindi pagbibigay prayoridad ng Mataas na Kapulungan sa panukala ni Padilla.

Si Padilla ang chairman ng Senate committee on constitutional amendments and revisions of code na naghain ng panukalang baguhin ang economic provision ng 1987 Constitution. Kamalaunan, pumayag din siyang galawin ang political provision kung gugustuhin ng mamamayan sa pamamagitan ng constitutional assembly.

“Ang katotohanan wala talaga kami numero maski na gusto ko itulak yan, 3/4 votes ang kailangan sa Senado, which is 18 votes. Halos kalahati ng aking mga kausap doon, against charter change. Bakit pa tayo mag-aaway, bakit pa tayo magdidibisyon sa Senado dito sa usapin ng charter change marami pang [Legislative-Executive Development Advisory Council] measures na pinagdedebatehan natin. Mawawala lang tayo sa pokus,” ayon kay Zubiri sa interview ng DWIZ.

Sinabi ni Zubiri na sa halip ubusin ang panahon ng Senado sa pagdedebate sa charter change, dapat ituon ito sa pagsasabatas ng panukalang inilatag sa LEDAC.

Idinagdag din ni Zubiri na hindi makakuha si Padilla ng 18 boto mula sa kasamahan upang maipasa ang panukalang charter change alinsunod sa itinakda ng Saligang Batas.

“Bakit pa natin gagawin? We are wasting a lot of time and effort, we are wasting a lot of energy and funding discussing a measure na wala naman tayong boto. Kaya sabi ko, it’s not a priority at this point in time,” ayon kay Zubiri.

Aniya, mahalaga ang pagdedebate sa Cha-cha dahil kapag naipasa ito, hindi na maaari pang makialam ang mambabatas. Kapang nangyari ito, maaari nang galawin ang political provision ng Saligang Batas.

“Kung gusto nilang repasuhin from Article One to the last article of the constitution, pwede po nilang gawin yan, pati political provisions. Walang titigil sa kanila, walang makatigil sa kanila, kung yan ang gusto nilang gawin. Yun ang danger talaga,” ayon kay Zubiri.

Sinabi pa ni Zubiri na epektibo ang umiiral na Saligang Batas dahil naipasa ng Kongreso ang ilang mamahalagang panukala tulad ng Regional Comprehensive Economic Partnership, Sim Registration Act, Armed Forces of the Philippines Attrition Law. Ernie Reyes