Zulueta sa Lapid slay: Wala akong kinalaman dyan

Zulueta sa Lapid slay: Wala akong kinalaman dyan

February 28, 2023 @ 8:08 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pormal nang pinabulaanan ng matataas na opisyal ng bilangguan, na kinasuhan kasama ng suspendidong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gerald Bantag, ang lahat ng alegasyon na may kinalaman sa pagpatay sa broadcaster na si Percival “Ka Percy Lapid” Mabasa noong Oktubre 2022.

Sa kanyang counter-affidavit na inihain noong Pebrero 15 at ibinunyag noong Lunes, itinanggi ni BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta na inutusan siya ni Bantag na planuhin ang pagpatay sa pamamagitan ng pagkuha ng mga contract killer sa New Bilibid Prison (NBP) inmates.

“DG (Director General) Bantag never ordered me to commit or facilitate the commission of a crime on his behalf,” ani Zulueta.

Iginiit din niya na hindi siya kailanman nakipag-ugnayan sa mga saksing sina Denver Mayores, Aldrin Galicia, Alfie Penaredonda at Alvin Labra, na pawang mga person deprived of liberty (PDL).

Giit ni Zulueta na nireresbakan lang sila ng mga bilanggo dahil sa nawalang mga pribilehiyo nang nanungkulan si Bantag. Mayroon ding mga tiwaling matataas na ranggo na empleyado ng BuCor ang nasuspinde sa ilalim ni Bantag.

“Maraming grupo ang responsable sa likod nitong mga malisyosong kasong isinampa laban sa akin at kay Director General Bantag,” ani Zulueta sa kanyang affidavit.

Nauna nang itinanggi ni Bantag ang anumang bahagi sa pagpaplano ng pagkamatay ni Mabasa at sinabing ang kaso ay dapat hawakan ng Ombudsman, sa halip na ang Department of Justice (DOJ). RNT